DAY 10
Mga Mananampalatayang Makadiyos at Nagkakaisa
June 2025 Daily Devotions
DAY 10
Mga Mananampalatayang Makadiyos at Nagkakaisa
Devotions writer: Pastor Gene Estrabon
Acts 4:32, FSV
Lahat ng mga mananampalataya ay nagkakaisa sa puso at kaluluwa. Hindi sinarili ng sinuman ang kanyang mga ari-arian, kundi lahat ng mga bagay ay kanilang pinagsasaluhan.
Ang mga mananampalatayang nagkakaisa sa puso at kaluluwa ay napagtatagumpayan ang pagiging makasarili, hindi lang makatao, kundi higit sa lahat ay makadiyos.
Ang mga unang mananampalataya ayon sa Gawa 4:32 ay nagkakaisa sa puso at kaluluwa. Nilampasan nila ang pagiging makasarili at pagiging makatao lamang. Bagkus sila ay naging maka-Diyos. Alamin natin ngayong araw kung ano ba ang kaibahan ng pagiging makasarili, sa pagiging makatao, at sa pagiging maka-Diyos.
Ang tao ay makasarili kung ang iniisip niya lang lagi ay kanyang sariling kapakanan, kaayusan, o kaginhawahan, atbpa. Mahirap na kalalagayan ito sapagkat kalaban ng pagkakaisa ang pagiging makasarili. Mahirap makiisa ang isang taong makasarili. Ang pagiging makatao ay angat sa lebel ng pagiging makasarili. Dahil iniisip niya na ang kanyang kapwa sa kanilang kapakanan, kaayusan, o kaginhawahan, atbpa. Isang magandang senyales ito ng paglago o pag-mature ng isang tao. Ngunit higit sa lahat ay kung ang isang tao o grupo ng mga tao ay makadiyos. Sa lebel ng pagiging makadiyos, mas napagtagumpayan ng isang tao ang pagiging makasarili o ang pagiging makatao lamang. Kung ang mga tao ay nagiging makadiyos, sila ay pinangungunahan na ng Espiritu Santo at ng Salita ng Diyos. Sa lebel na ito, ang pinakamahalaga ay ang kalooban ng Diyos para sa kabuuan ng iglesia at hindi ng sarili o ng ilang tao lamang.
Ating pagsikapan marating at mas maranasan ang makadiyos na pagkakaisa.
Diyos Ama, hinihiling namin na mas pangunahan Mo kami ng Iyong Espiritu Santo. Inaamin namin na kami ay may mga kanya-kanyang kahinaan. May mga diranas din kaming mga problema na nakakaapekto sa aming pkikipagkapwa at maging sa aming pagsunod sa inyo.
Tulungan mo kami na mas umangat pa sa anumang uri ng pagiging makasarili. Tunlungan mo kaming makiisa sa iyong iglesia na hindi lamang sa makataong pamamaraan kundi ayon sa pangunguna ng Iyong Espiritu Santo at ng iyong Salita.
Gabay mo ang tunay na pagsunod sa Iyo ang aming hiling. Sa Pangalan ni Hesus, Amen.
Sa papaanong paraan ang tao ay nagiging makasarili?
Ano ang ibig sabihin ng pagiging makadiyos? Magbigay ng halimbawa.
Bakit natin kailangan na umangat sa pagiging makasarili at makatao lamang tungo sa pagiging makadiyos?