DAY 11
Nangungusap Ang Espiritu Santo
June 2025 Daily Devotions
DAY 11
Nangungusap Ang Espiritu Santo
Devotions writer: Pastor Gene Estrabon
Acts 13:2–3, FSV
2Habang sila'y sumasamba sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi sa kanila ng Banal na Espiritu, “Ibukod ninyo para sa akin sina Bernabe at Saulo. Tinawag ko sila para sa isang gawain.” 3Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa dalawa at sila'y pinahayo.
Paano mangusap sa iyo ang Espiritu Santo?
Napakahalaga na nangungusap ang Espiritu Santo at kasabay nito tayo ay nakakapakinig at nakakasunod sa Kanyang pangunguna. Isang kagalakan na ang Espiritu ng Diyos ay gusto tayong magabayan. Madalas mababasa sa Biblia na sa mga panahon pakikipagniig sa Diyos sa pamamagitan ng pagsamba at panananalangin ay doon nagbibigay ng direksyon ang Diyos. At lalo sa aklat ng Mga Gawa, pansin na pansin na ang Espiritu Santo ang palagiang nangungusap sa mga mananampalataya. Katulad na lamng ating verse of the day, sinabi na “Habang sila'y sumasamba sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi sa kanila ng Banal na Espiritu,...” Dito pansin na aktibo ang Espiritu ng Diyos na mangusap sa mga mananampalatayang nagkakaisa at sama-sama sa pagsamba at pananalangin.
Ito ngayon ang isa pang katotohanan ayon sa ating verse: ang gawain ng paghayo para abutin ang mga tao ay mas ganap kung may pagkakaisa at gabay ng Espiritu Santo. Kung iisipin natin ang paghayo o pagbabahagi ng Salita ng Diyos sa mga tao, ito ay mas nagiging makabuluhan kung may pagkakaisa sa pagsamba at pananalangin. Sabi ng verse, “Ibukod ninyo para sa akin sina Bernabe at Saulo. Tinawag ko sila para sa isang gawain.” Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa dalawa at sila'y pinahayo.”
Halina’t patuloy nating tamasahin ang napakagandang paggabay ng Espiritu ng Diyos sa tuwing tayo bilang mga magkakapatid ay nagkakaisa at sama-samang sumasamba at nananalangin.
Diyos Ama, nais namin na kami bilang mga mananampalataya na nagkakaisa at sama-sama sa pagsamba at pananalangin. Nalalaman namin ngayon na sa ganong estado ay mas mangungusap ang Espiritu Santo mo. Dalangin namin na dalin mo kami sa lebel na kung saan ay di nagiging boring o nakakatamad ang pagdalo sa gawain na kami ay nagkakaisa at sama-sama sa pagsamba at pananalangin.
Nalalaman din namin na maraming kaabalahan sa aming buhay na marami sa amin ay di nakakayang makiisa. Patawarin mo kami sa anumang kakulangan at pagdadahilan. Dahil dito, bigyan mo kami ng panibagong uhaw at gutom sa iyong Presensya at sa nagkakaisa at sama-samang pagsamba at pananalangin. Nais Mo na kami sa aming pagkakaisa ay mas magabayan sa pamamagitan ng iyong Espiritu Santo at ng Iyong Salita. Loobin mo na gumawa kami ayong sa kalooban Mong ito.
Sa pangalan ni Hesus, Amen!
Ano ang kahalagahan ng mga mananampalatayang nagkakaisa at sama-sama sa pagsamba at pananalangin?
Anu-ano ang magagandang gawin para maitaguyod ang pagkakaisa at sama-samang pagsamba at pananalangin?
Ano sa iyong palagay ang paulit-ulit na mga dahilan para di magawa ng consistent o tuloy-tuloy ng mga mananampalataya ang pagkakaisa at sama-sama sa pagsamba at pananalangin?