DAY 19
Huwag Magsawa Sa Sama-Samang Pananalangin
July 2025 Daily Devotions
DAY 19
Huwag Magsawa Sa Sama-Samang Pananalangin
Devotions writer: Gene Estrabon III
Revelation 8:3-4, FSV
3Isa pang anghel na may dalang gintong lalagyan ng insenso ang dumating at tumayo sa dambana. Binigyan siya ng maraming insenso upang kanyang ialay kasama ang mga panalangin ng lahat ng banal sa gintong dambanang nasa harap ng trono. 4At ang usok ng mga insenso, kasama ang mga panalangin ng mga banal, ay umakyat sa harapan ng Diyos mula sa kamay ng anghel.
Ang mga panalangin ng mga pinabanal ng Diyos ay kailanman hindi mababalewala.
Kung iniisip mo ano ang ginagawa sa mga panalangin natin bilang mga mananampalataya, ito ang isa sa mga kasagutan: Ang mga panalangin ay iniipon at ginagawang alay sa Diyos. Ibig sabihin, hindi binabalewala ng Diyos ang ating pananalangin. Bagkus ito’y Kanyang pinahahalagahan. Ito’y iniipon at ginagawang alay sa Kanya.
Anuman ang pinagdaraanan natin bilang indibiduwal at lalo bilang grupo ng mananampalataya, huwag na huwag nating balewalain ang mula sa puso ng Diyos na klase ng pananalangin. Hindi natin pwdeng maliitin ang pananalangin ninuman, maski ng ating sarili. Maaaring ilan sa mga tanong natin ay, “Pinakikinggan ba ako ng Diyos?” o “Bakit ang tagal sumagot?”. O di kaya’y kinatatamaran o give up na tayo sa pananalangin. O di kaya’y sasabihin natin na “sila na lang mag-pray kasi mas mahusay sila”.
Anuman ang iyong dahilan at kalalagayan, huwag magsawa sa panananalangin … lalo na sa sama-samang pananalangin. Tayo’y magpakumbaba, humingi ng tawad, makiisa, magkaisa, at huwag na huwag magsawa o manghinayang sa oras.
Aming Ama, salamat at palagian Kang nakikinig sa lahat ng aming pananalangin gaano man ito kababaw kung minsan. Kami ay patawarin mo sa aming mga pananawa, katamaran o anuman dahilan namin kaya di kami nakakapag-pray. Minsan pa, kami ay bigyan mo ng bagong puso na gutom at uhaw sa Iyong Presensiya. Kami’y basbasan mo ngayong araw na ito kasama ang mga kapatiran.
Salamat po Panginoon ito ang aming dalangin sa pangalan ng aming Panginoong Jesu Cristo.
Ano ang pananalangin ayon sa Biblia?
Ano ang ginagawa sa mga panalangin ng mga anak ng Diyos ayon sa Revelation 8:3-4? (See also Rev 5:8)
Ano ang pinapaalala sa iyo ng Diyos at maging sa kabuuan ng mga kapatiran patungkol sa kahalagahan ng pananalangin?