DAY 20
Pag-ibig ni Kristo Ang Pundasyon ng Pagkakaisa
July 2025 Daily Devotions
DAY 20
Pag-ibig ni Kristo Ang Pundasyon ng Pagkakaisa
Devotions writer: Analyn Crisostomo
Juan 13:34-35, FSV
34 Isang bagong utos ang ibinibigay ko: ibigin ninyo ang isa't isa. Tulad ng pag-ibig ko sa inyo, dapat din kayong umibig sa isa't isa. 35 Malalaman ng lahat na kayo'y aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa't isa.”
Ilang oras bago pa man maipagkanulo at hulihin si HESUS, ninais Nyang maipakita at mapagtanto ng mg disipulo ang Kanyang pag-ibig sa kanila. Sabi ng v.1, "Dahil mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, minahal niya sila hanggang sa katapusan". Sinabi rin ng v.5, "Pagkatapos ay naglagay siya ng tubig sa palanggana at sinimulan niyang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ang mga ito gamit ang tuwalyang nakabigkis sa kanya.
Tulad ng isang alipin na nagsisilbi, ang larawan ng pagmamahal ay nanatili sa mga puso at isip ng mga unang disipulo. Ito ay hamon din sa ating mga mananampalataya ngayon at sa mga susunod pang henerasyon.
Alam ni HESUS na para sa atin ay hindi madali ang magmahal lalo’t maraming pagkakaiba-iba at hindi pagkakaunawaan. Kaya nga ito ay ginawa Niyang utos upang sa Salita Niya tayo’y magtiwala at sumunod. Kay Hesus lamang matagpuan ang kapunuan at pagmamahal na magbabago sa ating mga puso at pananaw. Ang kapunuan at pagmamahal na magbabago sa ating mga puso at pananaw ay magdudulot ng pagkakaroon ng kakayahang mahalin ang bawat isa. Sinabi ng verse 15, "Nagbigay ako sa inyo ng halimbawa upang gawin din ninyo ang tulad ng ginawa ko sa inyo."
Kaya sa ating pagsunod sa Kanyang utos ay maging mensahe ito ng pagmamahal ng DIYOS sa buong sanlibutan at dumami pa ang makiisa at manampalataya kay HESUS para sa ikakaluwalhati ng DIYOS Ama.
Panginoong HESUS, maraming salamat sa Iyong pagmamahal at pagsunod sa DIYOS Ama, dahil dito kami ay may relasyon sa DIYOS at nagkaroon ng kapatawaran sa aming mga kasalanan at buhay na ganap at walang hanggan. Tulungan Mo po kaming maunawaan ang Iyong pag-ibig sa amin at sa bawat isa, bigyan Mo po kami ng kaisipang pinamumunuan ng Banal na Espiritu at maisabuhay po namin ang Iyong mga Salita. Manahan Ka at punuin Mo ng katotohanan at pag-ibig ang aming mga puso ng sa gayon umapaw sa mga tao sa paligid namin ang iyong pagmamahal at makita nila na Ikaw ay Totoo at Buhay sa amin. Punuin Mo po kami ng ligaya at pag-asa Mo upang sa bawat hamon ng buhay ay maging matibay kami at ituon ang atensyon sa Iyo. Biyayaan Nyo po kami ng kababaang loob upang mag-kaunawaan at mag-bigayan dahil ito ay nakalulugod sa Inyo.
Maraming salamat oh DIYOS, Ikaw ang Aming Matibay na Sandigan at Pag-asa, sa Tanging Pangalan ni HESUS’ Amen.
Sa iyong palagay, bakit tulad ng isang Aliping nagsisilbi ang pinakita ni HESUS na halimbawa ng pagmamahal sa kanyang mga disipulo?
Ano ang kabuluhan ng utos ni HESUS na magmahalan tayong mga mananampalataya?