DAY 21
Kabutihan at Kaligayahang Dulot ng Pagkakaisa
July 2025 Daily Devotions
DAY 21
Kabutihan at Kaligayahang Dulot ng Pagkakaisa
Devotions writer: Jeandyll de Asis
Mga Awit 133:1-2, ABTAG
1 Narito, napakabuti at napakaligaya kapag ang magkakapatid ay sama-samang namumuhay na nagkakaisa!
2 Ito'y gaya ng mahalagang langis sa ulo, na tumutulo sa balbas, sa balbas ni Aaron, tumutulo sa laylayan ng kanyang damit!
Kung ikaw ang magbibigay ng paghahalintulad sa pagkakaisa, anong bagay ang nasa isip mo? Si Haring Dabid ay nagsulat ng Awit na kung saan ang isa sa ginamit niya ay ang langis na dumaloy mula sa ulo hanggang damit ni Aaron.
Sino ba si Aaron at ano ba ang gamit ng langis noong panahon nila? Si Aaron ay kapatid at nagsilbing tagapagsalita ni Moses.
Siya rin ang naging pari o tagapamagitan ng mga tao at ni YAHWEH. Sa pagkatalaga ni Aaron bilang pari ay mayroong ginamit na simbolo upang siya ay mapabanal. Ito ay ang langis. Ang langis sa Old Testament ay ginagamit para sa “anointing”. Ito ay nagaganap sa tuwing may itinatalaga silang mga tao sa mahalaga, mataas, na posisyon- lalo na kung ang Panginoon ang nagtalaga.
Ang langis rin ang siyang ginagamit na simbolo ng pagpapabanal o paglilinis sa sinumang binubuhusan nito. Bakit kailangang pabanalin ang isang pari? Dahil sila ang nagiging tagapagsalita ng mga tao tungo sa Diyos. Kung sila ay may idudulog sa Diyos ay lalapit sila ‘di ba? At bawat taong lalapit kay YAHWEH noon ay kinakailangang malinis mula sa kasalanan.
Balik tayo sa kung ano ang paglalarawan ni Dabid sa pagkakaisa. “Napakabuti at napakaligaya kapag ang magkakapatid ay sama-samang namumuhay na nagkakaisa”. Sa paghahalintulad niya sa langis, masasabi nating ganito ang lebel ng kahalagahan, kagandahan, at kabutihan ng pagkakaisa.Para itong langis na nagpabanal kay Aaron na siyang hudyat na siya ay makakalapit at makakasamba sa Panginoon nang may galak.
Kung nakikita natin kung gaano kahalaga at kagandang masaksihan at pagmasdan ang pagbuhos ni Moses ng langis sa ulo ni Aaron, makikita natin kung gaano kabuti, kamangha-mangha, kagalak-galak na makitang tayo ay sama-samang namumuhay na nagkakaisa!
Aming Ama na nasa langit, maraming salamat dahil Ikaw ay Siyang tunay na Diyos na hindi nagbabago. Napakabuti Mo sa aming buhay kahit na hindi namin nagagawang masunod ang bawat kalooban Mo. Ikaw ay nanatiling tapat, at mabuti. Panginoon, ang puso namin ay sa Inyo lamang. Gawin mo itong pusong nakakahanap ng galak sa tuwing lalapit sa Iyo at pusong tumitibok para sa Iyo.
Panginoon, dalangin namin na makita namin kung gaano kaganda at kabuti ang pagkakaisa. Nawa ay patuloy naming naisin na makiisa sa kapatiran. Bigyan Mo kami ng lente na tulad ng Iyo upang makita namin ang kahalagan ng pagkakaisa. Para rin matutunan pa namin na mas mahalin, arugain, at pahalagan ang bawat isa.
Patuloy nawa kaming magalak sa kalooban Mong kami ay magkaisa.
Ito ang aming dalangin sa Pangalan ni Hesus. Amen.
Sa tingin mo, bakit kailangan nating maunawaan ang paghahalintulad ni Dabid sa pagkakaisa at ng langis?
Ano ang kailangan mong gawin upang makita pa ang kagandahan, kabutihan, at kaligayahang dulot ng pagkakaisa?
Sa iyong palagay, ano ang mga balakid upang hindi natin makita nang lubos ang kahalagahan ng pagkakaisa?