July 10, 2025 | Thursday
UVCC Daily Devotion
Written by: Victor Tabelisma
July 2025 Daily Devotions
July 10, 2025 | Thursday
UVCC Daily Devotion
Written by: Victor Tabelisma
Today's Bible Verses: 1 Tesalonica 4:15-18 FSV
“Sinasabi namin ito sa inyo ayon sa salita ng Panginoon: tayong mga buháy pa, na naiwan hanggang sa pagdating ng Panginoon, ay hindi mauuna kaysa sa mga namatay na. Sapagkat ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit na may sigaw ng utos, tinig ng arkanghel, at tunog ng trumpeta ng Diyos. At ang mga namatay kay Cristo ay bubuhayin muna. Pagkatapos, tayong mga buháy pa ay aagawing kasama nila sa mga ulap upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. At sa gayon ay makakapiling natin ang Panginoon magpakailanman. Kaya’t palakasin ninyo ang loob ng isa’t isa sa pamamagitan ng mga salitang ito.”
Pagmumuni-muni
Ang mga talatang ito ay isa sa pinakamatibay na pangako ng Diyos sa mga mananampalataya—na ang ating Panginoong Hesus ay babalik muli, at lahat ng naniwala sa Kanya ay makakapiling Niya magpakailanman.
Ang mga taga-Tesalonica noon ay nagdadalamhati, iniisip kung anong mangyayari sa mga mahal nila sa buhay na namatay na. Pero sa pamamagitan ng sulat na ito, nilinaw ni Pablo:
1. Walang maiiwan sa plano ng Diyos
Ang mga namatay kay Kristo ay bubuhayin muna. Hindi sila nakalimutan. Sa halip, sila ang unang makakaranas ng tagumpay ng muling pagkabuhay.
2. Tayong mga buháy ay sasalubong sa Panginoon
Kapag dumating ang Panginoon, lahat ng buhay na mananampalataya ay dadalhin sa Kanya—kasama ng mga muling nabuhay. Isang gloriyosong tagpo na walang kapantay.
3. Makakapiling natin ang Panginoon magpakailanman
Ito ang sukdulang gantimpala: ang walang hanggang presensya ni Kristo. Wala nang luha, sakit, o paghihiwalay.
Ito ang tunay na “buhay na walang hanggan.”
4. Palakasin ninyo ang loob ng isa’t isa
Hindi lang ito para sa impormasyon. Ang pagbabalik ni Kristo ay hindi kwento ng takot, kundi mensahe ng pag-asa. Mamuhay tayong handa, may galak, at may pananabik sa muling makita sa ating Panginoon. Kapag tayo ay nangungulila, natatakot, o pinanghihinaan ng loob, ang muling pagdating ng ating Panginoong Hesus ang ating pag-asa.
Nabubuhay ka ba na may pag-asang muling darating si Hesus?
Sa panahon ng kalungkutan, paano mo naaalala at naipapaalala ang pag-asa ng langit?
Panalangin
Panginoong Hesus, salamat sa Iyong pangako ng pagbabalik. Salamat dahil hindi Niyo kami iiwan, at may katiyakan kaming makakasama Ka magpakailanman. Palakasin Niyo po ang aking pananampalataya araw-araw, lalo na sa gitna ng kalungkutan at pangamba. Gamitin Niyo po ako upang magbigay ng pag-asa sa iba, at ipamuhay ang katotohanan ng Iyong muling pagdating. Amen.
Read Previous Devotions