DAY 14
Tagumpay Dahil sa Pagkaka-isang Gawa ng Diyos
June 2025 Daily Devotions
DAY 14
Tagumpay Dahil sa Pagkaka-isang Gawa ng Diyos
Devotions writer: Pastor Gene Estrabon III
Acts 5:38-39, FSV
Kaya't pinapayuhan ko kayo ngayong huwag gumawa ng anumang laban sa mga taong ito. Hayaan ninyo sila. Sapagkat kung ang balak nila, o ang gawa nilang ito ay mula sa tao, ito'y hindi magtatagumpay. Ngunit kung ito'y sa Diyos, hindi ninyo sila kayang pabagsakin. Baka lumabas pa kayong lumalaban sa Diyos!
Huwag matakot! Ang pagkaka-isang mula sa Diyos at di gawang tao lamang ay siguradong magtatagumpay.
Maraming tao ang nagnanais na maging tagumpay sa buhay. At kung sisiyasatin natin, walang nagtagumpay na nag-iisa lamang. Laging may team na kasama sa anumang tagumpay. Ang tagumpay na nararanasan ng isang grupo o samahan ay nagbibigay ng saya at pagpapahalaga sa bawat bahagi ng samahan.
Ang tagumpay naman na dala ng pagkakaisa ayon sa layunin at kalooban ng Diyos ay malaki ang pakinabang maski dito sa mundo. At ang pagkakaisang ayon sa layunin at kalooban ng Diyos ay siguradong magtatagumpay, nagbibigay ng parangal sa Diyos, at di lamang sa mundong ito ang pakinabang. At lalong di ito kayang buwagin ng anuman at sinuman dahil ang layunin ay mula sa Diyos. At ang layunin na ito ay pinagkaisahan ng mga mananampalataya at may basbas ng Diyos. Yan ang tinuturo ng ating talata. Napakamakadiyos ng payo ni Gamaliel ayon sa Acts 5:38-39 na sinabing, “Kaya't pinapayuhan ko kayo ngayong huwag gumawa ng anumang laban sa mga taong ito. Hayaan ninyo sila. Sapagkat kung ang balak nila, o ang gawa nilang ito ay mula sa tao, ito'y hindi magtatagumpay. 39 Ngunit kung ito'y sa Diyos, hindi ninyo sila kayang pabagsakin. Baka lumabas pa kayong lumalaban sa Diyos!”
Kaya, huwag tayong matakot na sundin ang Diyos ayon sa kanyang kalooban ng may tunay na pagkakaisa. Tandaan, kapag ang mga mananampalataya na nagkakaisa ayon sa kalooban ng Diyos ay siguradong magtatagumpay. Walang kayang bumuwag kahit ng anuman at sinuman dahil ang layunin ay mula sa Diyos. Purihin ang Diyos at Panginoon.
Aming Ama, lalo Niyo pong liwanagin sa aming puso’t isipan ang dahilan ng aming pakikiisa at pagkakaisa. Liwanagan niyo lalo sa aming mga puso ang pagkakisa namin sa ilalim ng Iyong kalooban na mas maraming tao ang makakilala sa iyo.
Anuman ang mga hadlang, mga problema, mga balakid ay di kami matinag. Huwag mo din hayaan na kami ay sumuko sa anumang mga hadlang, mga problema, o mga balakid. Bagkus ay lalo pang kaming maging pursigido na gawin ng may pagkakaisa ang iyong layunin at kalooban. Kapag humihirap ang sitwasyon, kami ay maging mapagpakumbaba at mapagkalinga sa bawat isa. Ikaw ang palagiang masunod. Alam namin na kaya mo kaming ipagtanggol.
Sa pangalan ni Hesus, Amen!
Anun-ano ang iyong mga pangkasalukuyang pagsubok o mga problema.
Ano ang pwede mong ipayo sa sarili mo o sa ibang mananampalataya na dumaranas ng pagsubok o mga problema dahil sa pagsunod sa Diyos?
Pansinin ang sinabi ni Gamaliel sa verse 39. Ano ang dapat isa-isip ng mga nanamapalataya dahil sa sinabing ito?