DAY 15
Pagtitiis ng Magalak at Nagkaka-isa
June 2025 Daily Devotions
DAY 15
Pagtitiis ng Magalak at Nagkaka-isa
Devotions writer: Pastor Gene Estrabon III
Acts 5:41–42, FSV
41 Umalis sila sa Sanhedrin na nagagalak sapagkat sila'y naging karapat-dapat magtiis ng kahihiyan alang-alang sa Pangalan. 42 Araw-araw, sa templo at sa mga bahay-bahay, wala silang tigil sa pagtuturo at pangangaral na si Jesus ang Cristo.
Ang ipangaral si Hesus-Kristo ay mas makabuluhang gawin ng may kagalakan at pagkakaisa.
Isa sa mga malaking palaisipan ay yung maging magalak sa gitna ng pagtitiis. Ang unang dating ay parang lampas ito sa normal. Paano kung gusto kong maging malungkot? O ang mag-isa? O wala talaga akong makitang mangandang dahilan para maging magalak o maging masaya man lang. Nakikita natin sa v.41 na may kagalakan ang mga unang Kristiano matapos silang hagupitin dahil sa pangangaral nila ng patungkol kay Hesus. Sila’y pinag utusan din ng kapulungan ng Sanhedrin na huwag nang ipangaral si Hesus (see v.40). Ngunit alam pa rin ng mga apostol na dapat mas sundin ang Diyos kesa sa mga tao (v.29). Kaya ang nasabi lamang ng Biblia ay, “Umalis sila sa Sanhedrin na nagagalak sapagkat sila'y naging karapat-dapat magtiis ng kahihiyan alang-alang sa Pangalan.” (v.41). At dahil sa kagalakan na ito, nagpatuloy na nagkakaisa ang mga apostol sa kanilang ginagawa para sa Panginoon at para sa mga tao (v.42).
Malinaw na ang kagalakan na mula sa tamang pananaw ay nagbubunga ng makabuluhang pagkakaisa. Anuman ang ating mga dinaranas na pagtitiis alang-alang sa pagsunod sa kalooban Panginoon ay dapat na mas tingnan natin sa tamang pananaw. Halina’t maging magalak! Halina’t makiisa at magkaisa tayo sa Panginoon! Andito ang mas mataas na lebel ng kagalakan na di kayang agawin ng anumang pagsubok. Andito ang mkabuluhang pananaw sa pagtitiis.
Aming Ama, ang anumang negatibo naming sitwasyon ay aming ipinagkakatiwala sa Inyo. Bigyan mo kami ng tamang pananaw. Bigyan mo kami ng tamang unawa din kung ang aming pagtitiis ay dahil sa aming pagsunod sa Inyo o dahil sa pagsuway sa inyo. Ayon sa Inyong sukdulang biyaya, kami ay mas gabayan mo sa aming pagsunod sa Inyo. At ayon din sa Inyong sukdulang biyaya, kami ay patawarin Niyo sa aming pagsuway sa inyo. Bigyan Niyo po kami ng kagalakan sa pagiging “karapat-dapat magtiis ng kahihiyan alang-alang sa Pangalan”. Inaalala din namin ngayon ang mga mas nagtitiis kesa sa amin. Sila na mas hirap ang sitwasyon dahil sa pagsunod sa Panginoon. Pagpalaain niyo po sila.
Salamat po Panginoon ito ang aming dalangin sa pangalan ng aming ng aming Panginoong Jesu Cristo. Amen!
Ano ang ibig sabihin ng “nagagalak sapagkat sila'y naging karapat-dapat magtiis ng kahihiyan alang-alang sa Pangalan?”
Bakit nagawa ng mga apostol na sila’y “nagagalak sapagkat sila'y naging karapat-dapat magtiis ng kahihiyan alang-alang sa Pangalan?”
Saan bahagi ng buhay mo na kailangan mo ang sukdulang biyaya ng Diyos para mas gabayan sa pagsunod sa Diyos?