DAY 16
Palakasin Ang Loob Ng Bawat Isa
June 2025 Daily Devotions
DAY 16
Palakasin Ang Loob Ng Bawat Isa
Devotions writer: Gene Estrabon III
Hebrews 10:24-25, MBBTag
24 Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti. 25 Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakasanayan ng iba. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang Araw ng Panginoon.
Kailangan ng mga mananampalataya na palakasin ang loob ng bawat-isa.
Saglit na isipin kung ano ang kalalagayan ng pagkatao ng kapwa mananampalataya natin. Meron bang napanghihinaan? Meron bang nangangailanan ng pagmamahal? Meron bang kailangan na gawan ng mabuti? Meron bang nakakaligtaan ang pagdalo sa gawain? Meron bang kailangan paalalahanan na mas malapit nang dumating ang Panginoon Hesus?
Kung uunawain natin ng mas malalim, ang mga kundisyon ng puso ng mga tao sa ating paligid, higit pa ang mga ito sa mga nakikita, mga nararamdaman, o mga naiisip natin. Pansinin ang mga pagsubok, mga problema, mga hinaing sa buhay, at karamdaman at pighati. At kung mas uunawain at mas papakiramdaman, may mga taong mas napanghihinaan pa kesa sa atin. At meron din namang mas malakas kesa sa atin.
Dahil sa mga ito, kailangang masabi na merong bahagi ng buhay ng mga tao na kailangan madampian ng pag-ibig ng Diyos. Dito papasok ang pakikiisa sa pagpapalakas ng loob ng kapwa mananampalataya. Ito ang isa sa mga kapangyarihan na ibinigay ng Diyos sa atin. Halina’t maging daan sa pagpapalakas ang loob ng kahit ilan sa mga kapatiran.
Aming Ama, maraming problema na maaaring bumabagabag sa amin. Ang mga puso ay nakakaramdam ng panghihina dahil sa mga paghihirap sa materyal man o sa damdamin. Hinihiling ko po na ako’y inyong dampian ng inyong pag-ibig, O Diyos. Kailangan namin ng bago Mong paggalaw sa aming mga buhay.
Minsan ay nakakalimutan namin ang kahalagahan ng pagmamahal dahil na rin sa aming mga kahirapang nararanasan. Kailangan po namin ang Inyong tulong at panibagong buhos ng Inyong pag-ibig.
Salamat po Panginoon ito ang aming dalangin sa pangalan ng aming Panginoong Jesu Cristo. Amen!
Ano ang dapat pagsikapan ng mga mananampalataya ayon sa verse 24? “Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti.”
Ano ang huwag dapat kaligtaan upang face-to-face na mapalakas ang loob ng kapwa mananampalataya?
Sinu-sino ang nasa listahan mo na kailangang mapalakas ang kalooban at magising ang damdamin tungo sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti?