DAY 2
Pagkakaisa sa Espiritu
June 2025 Daily Devotions
DAY 2
Pagkakaisa sa Espiritu
Devotion writer: Pastor Victor Tabelisma
Efeso 4:2-3 (FSV)
"Taglayin ninyo ang lubos na pagpapakumbaba at kaamuan, may pagtitiyaga, at pagpaparaya sa isa't isa sa pamamagitan ng pag-ibig. Gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya upang mapanatili ang pagkakaisa ng Espiritu sa buklod ng kapayapaan."
Sa mundong tila puno ng hindi pagkakasundo, inihayag ni Pablo sa mga taga-Efeso ang kahalagahan ng pagkakaisa sa Katawan ni Cristo. Kung ang bawat isang bahagi nito ay magtitipon-tipon bilang mga mananampalataya sa Kanya sa kabila ng maraming pagkakaiba, at mas pagtuunan ng pansin ang pag-ibig natin kay Hesus, ay maihahayag ang kapangyarihan at presensiya ng Espiritu Santo sa ating buhay.
Ang pagkakaroon ng "lubos na pagpapakumbaba at kaamuan" ay maaaring maging isang hamon, lalo na kung tayo ay may paninindigan sa mga paniniwala natin. Ngunit, kung pipiliin nating maging matiyaga at magparaya sa isa't isa sa pamamagitan ng pag-ibig, tayo ay nagpapakita ng pag-ibig at respeto sa ating mga kapatid sa Panginoong Hesus.
Kung tayo ay gumagawa ng paraan upang panatilihin ang pagkakaisa, nagreresulta ito ng mapayapang relasyon sa isa't isa na nagpapatibay at nagpapalakas sa buong Katawan ni Cristo.
Kaya naman, pagsumikapan natin ang pagkakaisa sa Espiritu—kahit pa magdulot ito sa pagkahayag ng ating pagmamataas at mga galit (na ating ipaaayos sa Panginoon)—at hanapin ang kapayapaan at pagmamahal sa ating mga kapwa-mananampalataya.
Nawa ay magliwanag tayo bilang halimbawa ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, kumikilos upang mas mapalaganap pa ang kaharian ng Diyos sa lupa.
Aming Diyos Ama, kami po ay lumalapit sa Iyo, sa Iyong kapangyarihan at presensiya—Banal na Espiritu. Bilang mga anak Mo, kami po ay tinawag mo upang magkaisa kahit pa kami ay nagkakaiba-iba.
Tulungan mo po kami na maging lubos na mapagpakumbaba at maamo, na pinipili ang pagtyatyaga at pag-ibig kaysa sa pagmamataas at pagkagalit. Tulungan mo po kaming magparaya sa bawat isa at magpakita ng respeto at habag sa lahat ng aming mga kapatid sa Panginoon.
Dulog po namin ang pakikiisa po namin sa Banal na espiritu. Ikaw nga po ang magsama sa amin sa kapayapaan. Nawa ay kumilos kami nang may pagkakaisa sa pagpapalaganap ng Iyong kaharian, kapangyarihan, at pagmamahal dito sa mundo. Ito ang aming dalangin sa pangalan ni Hesus. Amen.