DAY 3
Pinag-isa ng Mabuting Pastol
Devotions writer: Gene Estrabon III
June 2025 Daily Devotions
DAY 3
Pinag-isa ng Mabuting Pastol
Devotions writer: Gene Estrabon III
John 10:16, FSV
"Ngunit mayroon pa akong ibang mga tupa na wala pa sa kulungang ito. Kailangang dalhin ko rin sila rito at makikinig sila sa tinig ko. Sa gayon, magkakaroon ng iisang kawan at iisang pastol."
Si Hesus ay puno ng pagkalinga sa bawat tao lalo na sa mga manananampalataya.
Sinasabi ng John 10:16 na bukod sa mga tao (na tinatawag niyang mga tupa) na noon ay kasalukuyang naniniwala na kay Hesus, mayroon pa Siyang iba pang mga tao na noon ay kasalukuyang wala pa sa Kanyang pangangalaga. Nais ni Hesus na abutin din sila, at sila’y maniwala din sa Kanya, maging bahagi ng kanyang kawan. Ganyan ang ating Diyos. Mapagkalinga. Mapag-alaga. At ang layunin ni Hesu-Kristo sa mga mananampalataya ay pag-isahin sa ilalim ng kanyang pagiging Mabuting Pastol. Layunin ni Hesus na ‘magkaroon ng ng iisang kawan at iisang pastol’.
Sa pagkakaisa ng kawan (grupo ng mga mananampalataya), mas magagawa ni Hesus ang pag-iingat sa kanila laban sa anumang atake ng ‘magnanakaw’ o ng mga tagapagturo ng binaluktot na mga Salita ng Diyos. At pinaparating din ng mga Salita ni Hesus na maging ang masamang plano ng Diyablo na tayo’y nakawan, patayin, at wasakin ay Kanyang sasawatahin. Ito ay gagawin Niya sa pamamagitan ng Kanyang pangako na ang mga manananampalataya ay magkakroon ng buhay na ganap at kasiya-siya. Sadyang napakabuti ng ating Pastol!
Tayo’y pinag-iisa ng ating Mabuting Pastol na si Hesu-Kristo.
Aming Ama, kami ay pumapayag na pag-isahin mo ang aming mga puso sa pagkalinga ng aming Mabuting Pastol na si Hesu-Kristo. Naway makita namin na may bukas na pananaw at may pagpapasakop sa aming Panginoong Hesus ang layuning ito. Pag-isahin mo ang aming puso tungo sa pagsunod at pagkakaisa.
Anuman ang plano namin na di ayon sa iyong kalooban at ay itama. Gawin mo kaming mas marunong laban sa anumang planong atake sa amin ng diyablo. Naniniwala kaming iniingatan mo kami at aming mga pami-pamilya.
At sa mga tumalima na at maging sa mga tatawagin mo pa lang, pagkaisahin mo kami ng may tamang paniniwala at pag-uugali. Gawin mo kaming na nagkakaisang kawan sa ilalim ng pangangalaga ng aming mabuting pastol. Sa Ngalan ni Hesus, Amen!
Ano ang ibig sabihin na si Hesus ay mabuting Pastol?
Papaano mapakinggan ang tinig ni Hesus bilang ating Mabuting Pastol?
Ano sa iyong palagay ang iyong magagawa para mapangyari na ‘magkakaroon ng iisang kawan at iisang pastol’?