July 16, 2025 | Wednesday
UVCC Daily Devotion
Written by: Victor Tabelisma
July 2025 Daily Devotions
July 16, 2025 | Wednesday
UVCC Daily Devotion
Written by: Victor Tabelisma
Today's Bible Verses: 1 Tesalonica 5:19–21 FSV
Huwag ninyong patayin ang apoy ng Espiritu. Huwag ninyong hamakin ang mga propesiya. Subukin ninyo ang lahat ng bagay, panatilihin ang mabuti.
Pagbubulay-bulay
Ang tatlong utos na ito ay simpleng pakinggan, pero napakahalaga sa isang buhay na puno ng pananampalataya at karunungan. Tinuturo nito kung paano natin mapapangalagaan ang presensya ng Diyos sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.
1. “Huwag ninyong patayin ang apoy ng Espiritu”
Kapag pinili nating huwag makinig sa tinig ng Diyos, o kapag pinilit nating mamuhay ayon sa sariling kagustuhan, para nating pinapatay ang apoy na nais Niyang panatilihin sa ating puso. Pwedeng ang apoy na ito ay Apoy ng Pananampalataya, Apoy ng pagsisilbi sa Diyos o Apoy ng Pagsamba. Panatilihin itong buhay sa pamamagitan ng panalangin, pagsunod, at pakikinig sa Diyos.
2. “Huwag ninyong hamakin ang mga propesiya”
Ang mga propesiya ay mga mensaheng mula sa Diyos—maaari itong magmula sa Biblia, sa mga tagapagturo, o sa kapwa Kristiyano. Kapag minamaliit natin ang mensahe ng Diyos, sinasara natin ang ating puso sa Kanyang gabay. Maging mapagpakumbaba at bukas sa pagtutuwid at paalala ng Diyos.
3. “Subukin ninyo ang lahat ng bagay, panatilihin ang mabuti.”
Hindi lahat ng naririnig natin ay totoo. Kaya mahalaga na subukin ang lahat—sa liwanag ng Salita ng Diyos. Discernment o kakayahang kumilala ng tama sa mali ay bunga ng Espiritu. Kapag nakita mong ito’y galing sa Diyos—yakapin mo. Kung hindi, iwasan mo.
May apoy pa ba ng Espiritu sa puso mo, o unti-unti na itong lumalamig?
Paano mo sinasala ang mga mensaheng naririnig mo—base ba sa opinyon ng tao o Salita ng Diyos?
Panalangin
O Diyos, nais kong ang aking puso ay laging naglalagablab para sa Iyo. Huwag Mong hayaang manlamig ako sa pananampalataya. Turuan Mo akong makinig sa Iyong mga mensahe, at bigyan Mo ako ng karunungan upang makilala ang totoo sa hindi. Panatilihin Mo sa akin ang lahat ng mabuti, at linisin Mo ako sa anumang hadlang sa aking pakikinig sa Iyo. Amen.
Read Previous Devotions