July 1, 2025 | Tuesday
UVCC Daily Devotion
Written by: Victor Tabelisma
July 2025 Daily Devotions
July 1, 2025 | Tuesday
UVCC Daily Devotion
Written by: Victor Tabelisma
Today's Bible Verses: Colossians 3:15 FSV
Paghariin ninyo sa inyong mga puso ang kapayapaan ni Cristo, yamang kayo’y tinawag sa iisang katawan upang mamuhay sa kapayapaan. At magpasalamat kayo.
Pagmumuni-muni
Ang mundong ginagalawan natin ay puno ng ingay, takot, at kaguluhan—kaya’t mahalagang paalalahanan tayong mga mananampalataya: “Paghariin ninyo sa inyong mga puso ang kapayapaan ni Kristo.”
Ang kapayapaang ito ay hindi lang katahimikan ng paligid, kundi isang malalim na katiyakan sa puso na kahit may unos, kasama mo si Kristo. Ito rin ay kapayapaang nagdudugtong sa relasyon ng mga magkakapatid sa pananampalataya—dahil tayo ay “tinawag sa iisang katawan.”
Tatlong paalala mula sa talatang ito:
Paghariin ang kapayapaan ni Kristo. Ibig sabihin, hayaan nating Siya ang magpasya at mag-ayos ng ating emosyon at reaksyon, lalo na sa mga alitan, desisyon, at alalahanin sa buhay.
Mamuhay sa pagkakaisa bilang isang katawan. Sa halip na palaging magtagisan ng opinyon, unahin natin ang pagkakaunawaan at paggalang sa bawat isa, bilang bahagi ng iisang katawan ni Kristo.
Magpasalamat kayo. Ang puso na marunong magpasalamat ay puso na handang magpakumbaba at tumanggap ng kapayapaan ng Diyos. Ang pasasalamat ay susi sa katahimikan ng puso.
Sa anong bahagi ng buhay mo kailangan mong paghariin ang kapayapaan ni Kristo ngayon?
Puno ba ng pasasalamat ang puso mo kahit sa gitna ng pagsubok?
Panalangin
Panginoon, salamat sa kapayapaang Inyong iniaalok—kapayapaang hindi kayang ibigay ng mundo. Hayaan Niyong itong ang maghari sa puso ko. Turuan Niyo po akong mabuhay nang may pagkakaisa sa iba at laging magpasalamat, anuman ang kalagayan. Sa Iyo ko ipinagkakatiwala ang aking puso, aking desisyon, at aking kapayapaan.
Read Previous Devotions